By Christian Dee
MAYNILA – Nakapagpulong na ang mga alkalde ng Metro Maynila at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang paghahanda sa tigil-pasada simula sa Lunes, Marso 6.
Ayon kay Metro Manila Council chairman at alkalde ng San Juan City Francis Zamora, napag-usapan sa pagpupulong ang pagpapa-deploy ng mga sasakyan para sa libreng sakay.
Ang MMDA naman ay ipapagamit din ang kanilang bus para sa mga maapektuhang pasahero dahil sa tigil-pasada.
Umaasa, ani Zamora, na magbago ang desisyon ng mga nagkakasa ng tigil-pasada at maresolba na ang mga suliranin nito bago ang itinakdang araw para sa isang linggong transport strike.
Tinatayang nasa 40,000 mga tsuper at operator ang makikiisa sa ikinakasang protesta bilang kanilang pagpapahayag ng pagtutol sa jeepney phaseout kaugnay ang Public Utility Vehicle Modernization Program.
Ilang paaralan na rin ang mga nagsuspinde ng kanilang in-person o face-to-face classes dahil na rin sa epekto ng tigil-pasada simula Lunes subalit tuloy pa rin ang klase online.
Ang University of Santo Tomas ay nag-anunsyo kahapon, Marso 2, na ipagpapaliban muna ang face-to-face classes at gagawin munang online ang kanilang “delivery of instruction,” pati na rin ang Polytechnic University of the Philippines.
Gayundin ang lokal na pamahalaang lungsod ng Marikina ay nagsuspinde ng face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan, sa lahat ng antas, bunsod ng nakaambang malawakang tigil-pasada.
