By: Margaret Padilla 

Bahagyang bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa 2.93 milyon noong Enero 2022, ang pinakamababang antas sa loob ng apat na buwan, kung saan ang unemployment rate ng bansa ay unti-unting bumaba sa 6.4 percent mula sa 7.4 percent rate noong Oktubre 2021, ayon kay Dennis Mapa, Philippines Statistics Authority (PSA) Undersecretary at resource person, sa press conference ng January 2022 Labor Force Survey (Preliminary) Results, ngayong araw, ika-18 ng Marso, 2022.

“Paano bumaba ang unemployment rate sa kabila ng mahigpit na (pandemic) restrictions?  Kung titingnan natin simula noong Oktubre 2021, makikita natin na ang tinamaan ng quarantine na mas mahigpit noong Enero ay ang ating Labor Force Participation Rate (LFPR),” paliwanag ni Mapa.

Ang LFPR ay ang porsyento ng aktibong workforce ng bansa. Ipinaliwanag ng Rappler na ang pagbaba ng LFPR ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay huminto sa paghahanap ng trabaho o hindi interesado sa paghahanap ng trabaho.

Mula sa LFPR na 62.6 noong Oktubre 2021, ito ay bumaba sa 60.5 noong Enero. Ang mga naging (pandemic) restrictions ay nagkaroon ng mas malaking epekto sa pagbaba o pagbagsak ng bilang ng LFPR na naging basehan rin ng pagbaba ng unemployment rates.  

“Pag stricter ang restrictions, nagkakaroon ng mga hurdles sa mga walang trabaho, meaning mas mahirap maghanap ng trabaho sa mga panahong iyan,” aniya. 

Ang tinataya namang employment rate noong Enero 2022 (93.6%) ay mas mataas din kaysa sa nakaraang quarter na 92.6 percent.

“Jobs available, pareho lang. (Pero) may konting pagbaba in terms of number, in LFPR, noong Enero 2022 kumpara sa resulta noong Oktubre 2021.”

Sinabi pa ng statistician na mas mataas pa rin ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho o employed persons noong Enero 2022 kumpara noong Enero 2021. 

“Ang bilang ng mga taong may trabaho ay tumaas ng 1.77 milyon mula 41.25 milyon noong Enero 2021 hanggang 43.02 milyon noong Enero 2022,” ang pahayag ni Mapa.

Leave a Reply