By Christian Dee

Dulot ng hagupit ng Bagyong Karding (International Name: Noru) sa mga karatig probinsya ng National Capital Region (NCR), patuloy na tumataas ngayon ang presyo ng gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Isa sa mga pamilihan na nagtaas ng halaga ay ang Mega Q Mart sa Quezon City. Kasalukuyang tumaas ng sampung piso ang talong na dati ay P80 lamang kada kilo. Umabot na rin ang presyo ng sitaw na noon ay P100/kilo at ang ampalaya na mula sa P140/kilo, nadagdagan pa ngayon ng P20 kada kilo.

Pumapatak naman sa P150 ang halaga ng siling panigang kada kilo at ang sibuyas naman ay P240/kg. Samantala, kalahati naman ng dating presyo ng pechay Tagalog ang idinagdag sa halaga nito na ngayon ay P160/kilo.

Bunsod ng pananalanta ng bagyo sa Quezon Province, Bulacan at Nueva Ecija, tumaas ang presyo ng mga ito ayon sa mga nagtitinda sa nabanggit na pamilihan sa kadahilanang ang mga naturang probinsyang naapektuhan ng bagyo ay ang mga lalawigan na nagbabagsak ng karamihan sa mga produktong ito sa Metro Manila.

Nag-alala naman si Louis Tigolo, isang tindero, dahil hindi sapat ang mga dumarating sa kanila, kakaunti lamang at tila nag-aagawan pa. Sabi niya, “Siyempre ‘pag bumagyo, na-washout ang mga gulay, kaunti ang makukuha nila,” dagdag niya.

Ang mga nagtitinda naman ay umaasang sa mga susunod na linggo na parehas pa rin ang sitwasiyon at presyo ng mga gulay hanggang hindi pa nakakabawi ang mga magsasaka sa kanilang anihan.

Nagiging matumal din ang bentahan sa mga pamilihan ng gulay at dahil sa mataas na presyo, gaya ni Mariegold Poras, tingi-tingi na lamang ang kanyang binibili.

“Paunti-unti na lang. ‘Yong necessity na lang,” ika ni Poras.

Leave a Reply