By Frances Pio
–
Nagbigay ang National Irrigation Administration-Cordillera ng kabuuang siyam na proyekto sa patubig na nagkakahalaga ng P36 milyon sa iba’t ibang benepisyaryo na mga irrigators o associations sa isang simpleng seremonya noong Huwebes, Abril 21, sa Benguet Sports Complex sa Wangal, La Trinidad.
Pinangunahan ni NIA Administrator Benito Espique, Jr. at Benguet Governor Melchor Diclas ang turnover ng siyam na irrigation projects na magsisilbi sa kabuuang 205 ektarya ng lupang sakahan at pakikinabangan ng 310 magsasaka sa limang munisipalidad.
Ang mga proyekto ay pinondohan ng National Irrigation Administration (NIA) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Benguet.
Ang siyam na proyekto ay may kabuuang halaga na mahigit P36 milyong piso kung saan ang P27.9 milyon ay nagmula sa NIA. Ang natitira ay counter-funded ng Provincial LGU na may P8.2 milyon.
Ipinadala ni Diclas ang Provincial Project Monitoring Committee upang obserbahan ang iba pang mga proyektong patubig na pinondohan ng parehong mga ahensya at alamin kung napapakinabangan sila nang maayos ng mga end-user. Naipadala na ang mga rekomendasyon sa mga contractors para sa naaangkop na aksyon.
Samantala, inihayag din ni Diclas ang pagtatapos ng pagtatayo ng dalawang bagong dalawang palapag na school building para sa Alternative Learning System (ALS) sa Puguis, La Trinidad.
