By: Frances Pio

Ang mga nurse mula sa mga pampublikong ospital sa Sorsogon ay tatanggap ng dagdag na sahod matapos simulan ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapatupad ng budget circular bilang bahagi ng Salary Standardization Law.

Sinabi ni Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero na 139 na nurses sa siyam na pampublikong ospital ang unang makatatanggap sa pagsasaayos ng sahod alinsunod sa Republic Act No. 11466 o ang Act Modifying the Salary Schedule for Civilian Government Personnel and Authorizing the Grant of additional Benefits and for Other Purposes.

“Paunang makakatanggap ng dagdag na sahod ang ating mga nurses mula sa mga pampublikong ospital dito sa lalawigan. Malaking tulong ito lalo na sa panahong ito at higit kailan ay kailangan nila ang dagdag na sweldo dahil bugbog din naman sila sa dami ng trabaho at pag-aaruga sa mga Sorsoganon gawa ng pandemya,” sinabi ni Escudero sa isang pahayag.

Hinihintay ng Human Resources Department ng Sorsogon ang guidelines ng Department of Budget and Management para sa pagpapatupad ng ikatlong yugto ng pagtaas ng sahod para sa mga empleyadong may permanenteng position.

Leave a Reply