By: Frances Pio
–
Dalawang bagong number coding schemes na magbabawal sa mga sasakyan mula sa mga pampublikong kalsada sa mga rush hours ang iminungkahi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa layuning pigilan ang matinding trapiko sa Metro Manila.
Ang unang panukala ay naglalayong bawasan ang trapiko ng 50 porsyento. Ipagbabawal nito ang mga sasakyang may registration plate na may odd last numbers — 1, 3, 5, 7, 9 — sa mga pampublikong kalsada sa Lunes at Huwebes mula 7:00 a.m. hanggang 10:00 a.m. at mula 5:00 p.m. hanggang 8:00 p.m.
Ang mga sasakyang may registration plate na nagtatapos sa even na numero — 2, 4, 6, 8, 0 — ay ipagbabawal naman sa mga pampublikong kalsada sa Martes at Biyernes sa parehong oras.
Ang ikalawang iminungkahi ay mas komplikado kaysa sa naunang scheme. Ang mga plate na may mga sumusunod na huling numero ay pagbabawalan sa ilang partikular na araw sa ilalim ng scheme na ito:
Lunes: mga plate number na nagtatapos sa 1, 2, 3, 4
Martes: mga plate number na nagtatapos sa 5, 6, 7, 8
Miyerkules: mga sasakyang may plate number na nagtatapos sa 9, 0, 1, 2
Huwebes: mga sasakyang may plate number na nagtatapos sa 3, 4, 5, 6
Biyernes: mga sasakyang may plate number na nagtatapos sa 7, 8, 9, 0.
