Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Magiging eksklusibo na para sa mga domestic flights lamang ang Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 simula Hulyo 1 ngayong taon, ayon sa isang opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Martes, Marso 21.

Ani MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co sa pahayagan ng bansa, PTV, ililipat na ang natitirang international flights ng isang airline sa darating na kalagitnaan ng Hunyo.

“By June 16, the remaining international flights of Philippine Airlines will be moved to Terminal 1 para po by July 1, Terminal 2 will become all domestic na po,” sabi ni Co.

Sinabi rin ng naturang opisyal na kabilang dito ang domestic flights ng Philippine Airlines (PAL) at maging ang Philippines AirAsia.

“Ang improvement po nito sa ating system in terms of the Immigration… ang kanilang mga tauhan ay maireredeploy na natin sa ibang existing terminals natin which is Terminal 1 and Terminal 3 upang makatulong sa pago-augment ng manpower requirements natin doon dahil isa po ito sa mga nakakacontribute sa paghaba ng pila,” aniya.

Ani Co, sa pamamagitan nito, ginagawa na ring mas mabisa ang disenyo ng terminal at naayon sa kung ano ang nilalayon ng NAIA Terminal 2.

Orihinal na nakadisensyo ang naturang terminal para sa mga domestic flights.

“At mag i-increase din ang ating terminal capacity sa Terminal 2 by 20% to 25%, because it will be dedicated for only domestic flights,” sabi ng opisyal.

Matatandaang inilipat sa NAIA Terminal 1 ang international flights ng PAL at AirAsia na patungo sa Estados Unidos, Canada at sa Middle East, sa bisa ng Terminal Assignment Rationalization Program.

Leave a Reply