By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkoles, Marso 22, na hindi na kailangang magsagawa pa ng bagong task force para pangasiwaan ang paglilinis sa karagatan bunsod ng kumalat na langis sa Oriental Mindoro.
Nakikita ni Marcos na hindi na kailangang magtalaga pa ng opisyal para pamunuan ang responde ng pamahalaan sa naturang insidente.
“The head of the task force for the oil spill is the Coast Guard. Admiral [Artemio] Abu heads it,” anang Pangulo sa isang panayam sa Taguig kasama ang mga mamamahayag.
“So, there’s no need. You see, there’s no need to organize something for everything,” dagdag pa ni Marcos.
Aniya, ang ideya ay ang magkaroon ng mga asset sa lugar para mayroong tugon ang pamahalaan sakaling may mangyaring insidente gaya ng oil spill.
“We do not have to organize a special group, a special committee, a special task force. They’re ready already as it is,” aniya.
Ani Marcos, ang Philippine Coast Guard ay nakikipagtulungan na para sa mga tulong na ibinibigay ng Japan at Estados Unidos para mapabilis ang paglilinis ng kumalat na langis at kemikal nito na ngayong umabot na sa mga baybayin ng iba’t ibang lugar sa bansa.
Ilang araw na lamang ay mag-iisang buwan na mula nang lumubog sa Oriental Mindoro ang isang motor tanker na MT Princess Empress na may lulan na 800,000 litro na langis.
Kamakailan lamang ay naiulat na umabot na ang oil spill sa ilang mga lugar sa Batangas at Palawan, samantala nasa ilalim na ng state of calamity ang lalawigan ng Oriental Mindoro.
