By Raiza Dadia
–
Inaasahang magtataas ng presyo ang mga pangunahing bilihin sa merkado sa Mayo.
Sampung kumpanya umano ang nag-abiso na magtataas sila ng mga presyo ng kanilang produkto sa susunod na buwan, ayon kay Stephen Cua, presidente ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association sa kanyang panayam sa Teleradyo.
Mga pang araw-araw na bilihin gaya ng sabon, shampoo, kape, gatas, de lata, at instant noodles ang kasama sa pagtaas ng presyo.
Sinikap ng ilang mga brand na hanggang sa kaya ay manatili ang presyo ng kanilang mga produkto upang hindi lumipat ang kanilang mga suki ngunit hindi na ito kinaya dahil nagmahal ang mga raw materials na gamit nila sa paggawa.
Susunod naman sa pagtaas ng presyo ang grupo ng mga supermarket owners. Wala din naman umano magagawa ang mga negosyante kung ito ang ibinigay na presyo sa kanila ng mga supplier ani ni Cua.
Ayon kay Cua “Malaki ang increase ng mga items na ‘to,” Kung kaya’t pinayuhan nya ang mga mamimili na maghanap ng alternatibong brand upang makabawas sa gastusin.
“You can shift, you can substitute, you can think of ways to get around it. Iwasan na ‘yong masyadong malaki ang itinaas na brands o products na nakasanayan natin,” dagdag ni Cua.
Nanghingi naman ng pang-unawa sa publiko ang mga manufacturer.
Ipinaliwanag ni Marvin Tiu Lim, Chief Growth and Development Officer ng Mega Sardines sa kanyang panayam sa TV Patrol, na ayaw din nilang magtaas ng presyo upang makatulong sa mga Pilipino ngunit kailangan din nilang siguruhin ang kapakanan ng kanilang kumpanya upang hindi sila mawala sa merkado.
Nilinaw naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na wala pa silang na-aprubahan na pagtaas ng presyo sa humigit dalawang daang pangunahing bilihin na sakop ng Suggested Retail Price (SRP).
Source: ABS-CBN News
