By: Margaret Padilla
–
Nilinaw ni Atty. Persida Rueda-Acosta, chief ng Public Attorney’s Office (PAO), nitong Lunes na hindi ang PAO ang naghain ng disqualification petition laban sa reality TV at public service personality na si Rafael “Raffy” Tulfo sa Commission on Elections (Comelec).
“There are some quarters that point to us as the one that filed the disqualification case against Mr. RT (in reference to Tulfo). No, we are not,” aniya.
Sinabi ni Rueda-Acosta na sa halip ay ang dating asawa ni Tulfo na si Julieta Licup-Pearson ang naghain ng nasabing petisyon para madiskuwalipika si Tulfo bilang kandidato sa pagka-senador.
Inaasahan ng PAO chief na hihingi ng dispensa si Tulfo sa kanila. “Ang gusto lang namin ay mag-issue ng public apology si Mr. RT, pero hindi pa niya nagagawa,” ayon sa kanya.
Kamakailan ay napabalitang kinumpronta ni Tulfo ang mga abogado ng PAO ng pagliban at nabigong dumalo sa mga inquest proceedings para sa mga nagrereklamo na isinangguni sa kanila ng kanyang (Tulfo) programa sa telebisyon noong nakaraang buwan.
Bukod dito, sinabi ni Tulfo kamakailan na isa sa mga dahilan kung bakit nais niyang magtayo ng libreng legal aid center kung sakaling siya ay maihalal bilang senador ay ang hindi umano pagganap ng mga abogado ng PAO.
Dahil dito, binatikos ni Rueda-Acosta si Tulfo at hiniling sa kanya na ihinto ang paggamit ng kanyang ahensya para palakasin ang kanyang political agenda.
Naidokumento ng PAO ang pagdalo ng mga abogado nito sa mga himpilan ng pulisya at mga paglilitis sa pagsisiyasat “kahit sa mga madaling araw, pitong araw sa isang linggo,” iginiit niya.
“Where did he get that fallacy, what’s his proof because it is grossly unfair for our hard-working public attorneys, some are even sick and had contracted Covid-19 but would continue to perform their duty even during this Covid-19 pandemic and our records will prove it,” tanong ni Rueda-Acosta.
Sa loob ng dalawang dekada niya bilang chief public attorney, tiniyak niya na naging mahigpit siya sa lahat ng tauhan ng PAO, partikular sa mga abogado. Tiniyak niya na regular at maagap nilang tinutulungan ang mga mahihirap na Pilipino sa abot ng kanilang makakaya.
