By: Margaret Padilla
––
Idineklara at ipinagkaloob ng Malacañang ang karangalan na titulong National Artists of the Philippines sa walong karapat-dapat na Pilipino para sa kanilang makabuluhang kontribusyon sa kultura at sining ng Pilipinas.
Ang aktres na si Nora Aunor at screenwriter, novelist at direktor na si Ricky Lee, ang yumaong direktor ng pelikula na si Marilou Diaz-Abaya, ang late stage director na si Tony Mabesa, ang yumaong fashion designer na si Salvacion Lim-Higgins, ang dance choreographer na si Agnes Locsin, ang makatang si Gémino Abad, at ang musikerong si Fides Cuyugan-Asensio ay pinangalanang mga National Artist para sa 2022.
“Wala pa akong maisip na sasabihin ko sa ngayon dahil sa labis na kasiyahan sa aking puso at para po sa ating lahat,” ang pahayag ni Aunor sa panayam ng Philippine Star. “Sa mga taong nanalangin po at nakipaglaban hanggang sa huli para maibigay sa akin ang kanilang pinangarap na ako’y mahirang na isang National Artist for Film.”
Samantala, ayon naman kay Ricky Lee, “I feel both so honored and humbled at the same time. Honored because it is in a way an affirmation that I have been doing something of service to others. And humbled because I know I should do more, write more.”
Sa Presidential Proclamation No. 1390, idineklara ng Palasyo ang listahan batay sa pinagsamang rekomendasyon ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Cultural Center of the Philippines.
Ang Order of National Artist ay ang pinakamataas na parangal na ibinibigay sa mga Pilipinong gumanap ng mahahalagang tungkulin at gumawa ng makabuluhang kontribusyon sa sining at literatura ng bansa.
Ayon sa NCCA, ipinagkakaloob ng Pangulo ang titulong National Artis. Ang mananalo ay bibigyan ng gold-plated medallion na gawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Makakatanggap ng medalyon, isang cash award na P200,000.00 (net of taxes) ang newly-conferred living National Artist, at minimum lifetime personal monthly stipend na P50,000. Dagdag pa, isang buwanang pension sa buhay, mga benepisyo sa medikal at pagpapa hospital, saklaw ng seguro sa buhay, isang lugar ng karangalan sa anumang mga tungkulin ng estado, mga pambansang seremonya ng paggunita, at mga kultural na kaganapan na kanilang dinadaluhan, at mga pagsasaayos at gastos para sa isang libing ng estado, na ililibing sa Libingan ng mga Bayani, ayon sa NCCA.
Ang mga Pambansang Alagad ng Sining na pinarangalan na posthumously ay tatanggap ng citation at medalyon, gayundin ng P 75,000 na cash, sa mga legal na tagapagmana ng awardees o isang kinatawan na itinalaga ng pamilya.
Ang kompositor ng musika na si Ryan Cayabyab, direktor ng pelikula na si Kidlat Tahimik, may-akda na si Resil Mojares, yumaong visual artist na si Larry Alcala, yumaong playwright na si Amelia Lapea-Bonifacio, yumaong manunulat ng Hiligaynon na si Ramon Muzones, at yumaong arkitekto na si Bobby Maosa ay kabilang sa mga inihayag na National Artists noong 2018.