By Christian Dee
MAYNILA – Epektibo na muli simula bukas, Marso 7, ang Expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme.
Ito ay matapos mag-abiso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes ukol sa muling pagpapatupad nito.
Ayon sa MMDA, katamtaman na trapiko lamang ang naranasan ng mga motoristang dumaan sa mga major roads ngayong Lunes.
Kahapon, inanunsyo ng MMDA ang pagsususpinde ng number coding scheme para ngayong araw, Marso 6, dahil sa umambang tigil-pasada ng mga transport groups.
Kaugnay nito, nagbigay naman ng “Libreng Sakay” ang MMDA para sa mga pasaherong apektado ng transport strike na ikinasa ng ilang transport groups.
Ayon sa ahensya, maliit lamang ang naging epekto ng unang araw ng protesta laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program.
