By Frances Pio
––
Inaasahan na ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay maaaring umabot ng hanggang 500 kaso kada araw ngayong linggo, sinabi ng independent pandemic monitor na OCTA Research Group nitong Martes.
Nabanggit ng OCTA fellow na si Dr. Guido David na ang Nation’s Capital Region ay nakapagtala ng 434 na bagong kaso ng COVID-19 noong Lunes, ito ay 52% na pagtaas sa loob ng isang linggo.
Nabanggit din niya na ang Metro Manila ay kasalukuyang mayroong pitong araw na average na 342 na kaso.
“We expect na baka tumaas pa siya maybe between 400 to 500 this week. Actually kahapon, 434 cases, pero baka umabot tayo ng 500 cases in a day,” sinabi ni David sa isang press briefing.
Nauna nang iniulat ni David na ang positivity rate sa Metro Manila ay tumaas sa 5.9% noong Hunyo 25 mula sa 3.9% na naitala noong Hunyo 18.
Sa kabila ng pagdami ng mga kaso, sinabi ni David na hindi pa ito nakakaalarma dahil mababa pa rin ang mga numero kumpara sa mga nagdaang COVID-19 surge.
Pagkatapos ay hinimok niya ang publiko na sumunod sa minimum public health standards at kumuha ng pangunahing serye ng bakuna at mga booster shots.
“Hindi pa naman ito nakakabahala. Mababa pa ito kumpara sa mganakaraan na surge. Patuloy lang na pag-iingat para sa mga kababayan natin,” ika ni David.
Ang Metro Manila at ilan pang lugar ay mananatili sa Alert Level 1 hanggang Hulyo 15, inihayag ng Malacañang.