By Christian Dee
MAYNILA – Nasungkit ng Pinay beauty queen na si Maria Luisa Varela ang korona sa Miss Planet International na ginanap sa Koh Pich Theater sa Phnom Penh sa Cambodia noong Linggo, Enero 29.
Nagpasalamat naman si Varela sa mga tagahanga at sa mga sumuporta sa pamamagitan ng video ibinahagi niya sa kanyang Instagram stories.
“Hindi ito mangyayari kung hindi dahil sa lahat ng suporta niyo. Sa lahat nang naniniwala at nagtitiwala sa akin. So, thank you, thank you sa inyong lahat,” aniya.
“Grabe, hindi ko alam kung lahat kayo ay mapapasalamatan ko. Pero bawat messages, bawat tags, bawat post, bawat comment ay binabasa ko ‘yon guys,” dagdag pa niya.
Sa naturang post, proud na proud din niyang ibinahagi ang kanyang sash at mga bulaklak na ibinigay sa kanya ngunit hindi namataan dito ang kanyang korona.
Aniya, nasa organisasyon pa ang korona at pansamantala itong itinatago.
Inilarawan din niya ang kanyang korona na tila Angkor Wat, isang kilalang templo sa Cambodia.