By Christian Dee
MAYNILA — Tumagilid ang isang pampasaherong jeep matapos dumausdos pababa sa isang kalye sa Barangay Cupang sa Antipolo nitong Sabado ng hapon.
Alas-dos ng hapon nang nangyari ang aksidente ng naturang sasakyan sakay ang mahigit 30 katao.
Dalawampu’t limang estudyante, limang magulang, at isang guro ang sakay ng jeep na minamaneho ni Joey Quinones.
“May sumalubong sa akin na single motor, pag-apply ko ng preno magchi-change gear ako ng primera kasi paakyat yun eh ngayon eh lusot na lumusot na ang preno umatras ako para hindi na dumiresto sa baba,” kuwento ni Quinones.
“Kinabig ko na para bumangga dun sa pader kasi kung deretso pababa baka madali pa ang mga bata eh,” dagdag pa niya.
Ilang mga sakay ng pampasaherong jeep naman ang nagtamo ng sugat at bukol matapos ang aksidente.
Agad ding rumesponde ang mga residente para dalhin sa ospital ang mga nasugatan.
