By: Aj Lanzaderas Avila
Kung sakaling mahalal bilang presidente ng bansa, ipinangako ni Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno Domagoso na kanyang sisimulan ang pagpapatayo ng Iloilo-Guimaras Bridge na bahagi lamang ng pinakahihintay na inter-island bridge project ng Department of Public Works and Highways sa Western Visayas.
Ang panukalang proyekto ay magkokonekta sa mmga isla ng Panay (Aklan, Antique, Capiz, Iloilo), Guimaras, at Negros (Negros Occidental at Negros Oriental).
Ipinangako ito ni Moreno kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa kanyang pagbisita sa muinisipyo kasama ang kanyang Aksyon Demokratiko team.
“Yung Iloilo-Guimaras bridge mas malapit ‘yun. They could have started that sooner. Pero walang galaw. Kung sakaling manalo ka, ituloy mo yon ha. Kukulitin kita,” hirit ni Treñas kay Moreno.
“May awa ang Diyos,” sagot naman ni Moreno.
Noong 2017, ang Panay-Guimaras-Negros (PNG) bridge ay nakatakda sanang maging pinakamahabang tulay sa Western Visayas pati na rin sa buong bansa.
Tinatayang 32 kilometro ang haba ng PNG bridge na nahahati sa dalawa: 13-kilomoter Panay-Guimaras link, at Guimaras-Negros link na may habang 19.47 kilometers.
Kinumpirma ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa isang pagdinig sa Senado na posibleng magsimula ang konstruksyon ng tulay sa 2025, at matatapos sa 2030.
Ayon naman sa DPWH, mayroon nang engineering services na nakahanda sa pamamgitan ng tulong pinansyal mila sa South Korean government.
Sa paguusap ng dalawang alkalde, sinabi ni Moreno kay Treñas na sa kabila ng kanyang “acrophobia” o “fear of heights”, kanyang naakyat ang malapit nang matapos na Cebu-Cordova bridge noong siyang bumisita sa Cebu.
“Alam niyo naman takot ako sa heights. Pero dahil sa gusto kong makita yung bridge, inakyat ko. Such an iconic infrastructure. It was done only in 2 years 9 months under the PPP (Public-Private Partnership),” saad ni Moreno.
Ani Moreno, ang kanyang naging pagbisita sa Cebu ay nagpaunawa sa kanya na kailangang maging prayoridad ng gobyerno ang mga proyekto tulad nito upang maging mas madali ang pagpapalitan ng kalakal.
Ang pagkonekta sa mga isla sa Visayas ay mangyayari lamang kung ipapatayo ang mga sumusunod: Tagbilaran-Panglao Link Bridge; Panay Guimaras-Negros Link Bridge; Cebu-Bohol Link Bridge; Cebu-Negros Link Bridge; Bohol-Leyte Link Bridge, at Leyte-Surigao Link Bridge.
“Kapag iyon nangyare at naging sentro ng susunod na administrasyon na pagdikit-dikitin ang Visayas, hindi na lamang Luzon ang ating economic center. Visayas can be an economic center,” saad ni Moreno.
Kasama ni Moreno sa kanyang Panay Island Listening Tour ay ang kanyang running mate na si vice presidential aspirant Dr. Willie Ong at kanilang senatorial slate na kinabibilangan nila Samira Gutoc, Dr. Carl Balita, at Jopet Sison.
Sa ilalim umano ng administrasyon Moreno, ipagpapatuloy ang Public-Private Partnership (PPP) sa bansa pati na rin sa lokal tulad ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEx), na isang proyekto ng firm na pagmamayari ni business tycoon Manny V. Pangilinan.
“We need the private sector to invest more in infrastructure and they can build fast and it will save government resources which it can use for social services like health care and education,” salaysay ni Moreno.
Ipinangako rin ni Moreno na ipagpapatuloy ang “Build, Build, Build” program ng kasalukuyang administrasyon na may kaparehong layunin sa kanyang planong magpatayo ng mas marami pang vertical mass housing, world-class hospitals, at modern schools na makakapagbigay rin ng mas maraming trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino.
