By: Jen Lopez
Iginiit ng transport sector at city government ng Baguio, sa Department of Transportation (DOTr) na huwag agarang ipatupad ang pagpapagawa ng modernized jeepney. Marahil dahil ito sa malaking naging epekto sa nakararami ng dumaang pandemya na nagsimula noong 2020, at ngayong hidwaan ng Russia at Ukraine na naging sanhi sa pagtaas ng presyo ng langis.
Sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na ang pamahalaang lungsod ay nag-eendorso ng isang petisyon na pinangungunahan ng iba’t ibang Baguio public utility vehicle (PUV) associations na humiling ng pagbabago sa timeline ng gobyerno para sa pagpapalit ng lahat ng tradisyonal na PUVs sa maliliit na urban bus.
Ang mga operator ng PUV ay dati nang binibigyan ng hanggang ika-31 ng Marso nitong taon upang magkaroon ng kasunduan sa mga organisasyong pang transportasyon, na nagbibigay-daan sa pag-phase out ng mga mas lumang jeepney.
Ayon kay Magalong nakipagpulong umano siya sa mga operator ng PUV noong nakaraang linggo upang suriin kung paano ang estado nila ngayong alert level 1 na ang lungsod kung saan ay binigyan ng pahintulot na ang mga PUV drivers na magsakay ng full capacity.
Ani din ni Magalong, “Kailangang sukatin ng DOTr ang naging epekto ng pandemya sa mga karaniwang jeepney driver”.
(“DOTr needs to quantify the cost of the pandemic on the average jeepney driver,”)
Dagdag pa niya, hindi lang dahil sa mga mahigpit na pagpapatupad ng travel restrictions ang dahilan kung bakit ngayon pa lamang makaka ahon mula sa pandemya ang mga independent jeepney drivers at operators. Aniya, ang mga mahigpit na pagpapatupad ng community lockdowns ay naging isang sanhi rin upang mawalan ng pagkakakitaan ang mga public transport drivers.
Mas mataas ang pasanin ng mga motorista sa Baguio, kung saan P5 hanggang P10 ang dagdag sa halaga ng diesel at gas kumpara sa P73 kada litro ng gas sa bayan ng Rosario, La Union, noong nakaraang Linggo at P72 sa Metro Manila.
