By Christian Dee

MAYNILA – Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas na naglalayong gawing ganap na lungsod sa probinsya ng Cavite ang bayan ng Carmona.

Ayon sa ulat ng Presidential Communications Office, nilagdaan ni Marcos ang Republic Act No. 11938 o ang “An Act Converting the Municipality of Carmona in the Province of Cavite into a component city to be known as the City of Carmona” noong Huwebes, Pebrero 23.

Mag-aatas ang naturang batas sa Munisipyo ng Carmona na magsagawa ng plebisito sa loob ng 60 araw mula sa pag-apruba ng batas.

Nakasaad din sa RA 11938 na ang mga kasalukuyang opisyal ng naturang bayan ay ipagpapatuloy ang kanilang kapangyarihan at ginagawa hanggang makapagsagawa ng bagong eleksyon, at ang nararapat na nahalal na mga opisyal ay dapat nang maging kuwalipikado at maupo sa kanilang mga katungkulan.

“Appointive officials and employees of the Municipality of Carmona shall, likewise, continue exercising their functions and duties and they shall automatically be absorbed by the City Government of the City of Carmona,” saad sa RA 11938.

Kasama sa mga nakapirma sa naturang batas ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Leave a Reply