Share:

By Frances Pio

––

Pinanatili ng Philippine National Police (PNP) ang paninindigan nito na ipagbawal ang pagbista sa nakakulong na dating Senador Leila de Lima ng mga pinuno ng oposisyon, dati at kasalukuyang mambabatas, mahistrado, abogado, academics, at bureaucrats upang personal na batiin siya sa kanyang ika-63 kaarawan noong Sabado sa Camp Crame sa Quezon City.

Isang linggo matapos tanggihan na papasukin ang limang mambabatas mula sa US noong Agosto 18 hanggang makakuha sila ng pahintulot ng korte na makita si De Lima kinabukasan, isa pang grupo sa pangunguna nina dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, Sen. Risa Hontiveros at Albay Rep. Edcel Lagman ang pinigilang makapasok sa PNP Custodial Center.

Hindi rin nakapasok sina dating Senate Minority Leader Franklin Drilon, abogado at Constitution framer na si Christian Monsod at kanyang asawa, economics Professor Solita Monsod, dating Akbayan Rep. Tom Villarin, human rights lawyer na si Chel Diokno, at dating Presidential Management Staff Secretary Julia Abad.

Maging si dating Sen. Mar Roxas, na nagsilbi bilang interior secretary at nangasiwa sa PNP, ay hindi nabigyan ng access kay De Lima, na itinuturing ng mga international rights group bilang pinakakilalang political detainee sa ilalim ng nakaraang dalawang administrasyon.

Ang mga bisita ay hindi dumating bilang isang grupo ngunit ang ilan ay dumating sa iba’t ibang oras noong Sabado ng umaga.

Ayon sa mag-asawang Monsod, palabas na sila ng kanilang bahay ng ipaalam sa kanila ang balita ukol dito.

Ito ang ikaanim na beses na ginugol ni De Lima ang kanyang kaarawan sa detention center.

Tanging ang kanyang kapatid na si Vicente lamang ang pinayagang makapasok sa lugar.

Sinabi ng isa pa niyang kapatid na si Vicboy na pinagbigyan ng PNP ang kahilingan para sa mga immediate family members na makipagkita kay De Lima ngayong Linggo.

Ngunit hanggang Sabado ng hapon, wala pa ring opisyal na paliwanag ang pamunuan ng PNP sa pagtanggi sa pagdalaw ng mga bisita ni De Lima.

Ayon kay Lagman, sinabi lamang sa grupo noong umagang iyon na hindi naaprubahan ang kahilingan sa pagbisita.

Leave a Reply