By Christian Dee

MAYNILA – Nagtagumpay ang pambato ng Pilipinas mula sa Ateneo de Manila University sa katatapos lamang na World Universities Debating Championship (WUDC), ang pinakamalaking debate tournament sa mundo na ginanap noong Disyembre 27 hanggang Enero 4.

Ito ang unang beses na nakamit ng mga delegado mula sa bansa ang pagkapanalo sa naturang international debate tournament.

Binubuo nina Tobi Leung at David Demitri Africa ang Team A ng debate team, na silang nakakuha ng unang puwesto sa grand finals ng patimpalak na ginanap sa Madrid, Spain.

Nanalo ang magkatambal sa finals laban sa mga pambato ng iba pang mga bansa gaya ng Sofia University sa Bulgaria, Princeton University sa US, at Tel Aviv University sa Israel.

Pinagdebatehan ng mga koponan kung mas mainam ba o hindi na magkaroon ng “A world where all individuals have a strong belief in Ubuntu” o isang mundo kung saan ang lahat ng indibidwal ay may matibay na paniniwala sa Ubuntu, isang pilosopikal na paniniwala na nangangahulugang “I am because we are”.

Pinangalanang second-best speaker si Leung habang ika-8 naman si Africa.

Samantala, nakuha naman ni Hadar Goldberg mula sa Tel Aviv University ang best speaker. (Photo: Madrid WUDC 2023/FB)

Leave a Reply