By Christian Dee
MAYNILA – Naantala ang operasyon ng mga tren sa Philippine National Railways dahilan ang isang sasakyang nahinto sa mga riles nito.
Ayon sa pulisya ng Pandacan, bandang alas-4 ng madaling araw nitong Linggo, Marso 5, nang mapag-alaman nila ang pangyayari sa Beata Crossing sa gawing Pandacan Station.
Hindi makadaan ang tren ng PNR bunsod ng sasakyang nakaharang sa riles.
Base sa imbestigasyong nakalap ng awtoridad, madilim ang kalsada nang bumibiyahe ang sasakyan. Hindi nito napansin ang butas sa riles kaya bumalandra.
Nakainom umano ang nagmamaneho ng sasakyan para sana umuwi sa Makati, base sa rutang sumusunod sa mobile app ng cellphone, ang mga lulan ng kotse.
Hindi rin nagbigay ng pahayag ang drayber at ang mga pasahero ng sasakyang bumalandra sa riles.
Maaring magreklamo ang PNR laban sa drayber dahil sa naidulot na aberya sa operasyon nito.
Gayunpaman, mahaharap pa rin sa kasong RA 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act ang drayber na umanong nakainom habang nagmamaneho.
