By Christian Dee

MAYNILA – Posible nang magsimula sa Mayo ang 5-taong tigil-operasyon ng Philippine National Railways (PNR), ayon sa general manager ng PNR nitong Martes.

Sinabi rin ni PNR general manager Jeremy Regino na hindi pa “pinal” ang paghinto ng operasyon sa naturang buwan dahil masusi pa itong pinag-aaralan.

“Hangga’t maaari, ayaw nating premature ang paghinto ng operasyon ng PNR,” ani Regino sa isang press briefing.

Aniya, unang ihihinto ang ruta mula sa Alabang patungong Calamba sa Mayo. Samantala ang rutang Tutuban to Bicutan o Tutuban to Alabang at Governor Pascual mula sa Malabon hanggang Tutuban ay ititigil muna pagdating ng Oktubre.

Ayon sa naturang opisyal, nakikipag-ugnayan na rin ang PNR sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga lokal na pamahalaan.

Sinabi rin niyang posible pa ring ma-adjust ang mga petsa ng tigil-operasyon.

Dagdag pa ni Regino, ang mayroon lamang ay ang mga “indicative time slots.”

Anang opisyal, tinitingnan din ng LTFRB na magbukas ng prangkisa para sa mga bago at maraming ruta ng mga dyip at pampasaherong bus para makatulong sa mga pasaherong maaapektuhan ng tigil-operasyon, na inaasahang aabot sa nasa 30,000 pasahero.

Ang pansamantalang paghinto sa operasyon ng PNR ay isasagawa upang magbigay-daan sa pagpapagawa sa North-South Commuter Railway project, na magdudugtong sa Metro Manila patungong Laguna.

Leave a Reply