By: AJ Lanzaderas Avila
Nag-anunsyo si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ng pagbabago sa polisiya sa paggamit ng mga hospital beds sa lungsod para sa mga pasyente na dinapuan ng Covid-19 kasabay ng pagdagsa ng mga kaso ng Omicron variant sa bansa.
Samantala, natanggap na ng Manila city government ang karagdagang 20,000 tablets ng Molnupiravir para mapunan ang naubos nang 30,000 tablets matapos itong ipamigay sa mga indibidwal na nagpositibo sa Covid sa buong Luzon.
Sa bagong direktiba ni Moreno sa mga hospital directors, sa Manila Health Department, at Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), tanging mga Covid-19 patients lamang na “severe” o “critical” ang maaaring ma-admit sa anim na ospital sa Maynila.
“Para naman sa ganun, magamit natin yung ospital for its original purpose – bigyan ng tamang atensyon yung ibang sakit na dumadapo sa ating mga kababayan, tulad ng cancer, sakit sa puso, mga diabetic o nagangailangan ng dialysis, naganganak o yung mga sanggol,” ayon kay Moreno.
Ang anim na district hospitals sa Maynila ay: Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital (150-200 bed capacity), Ospital ng Tondo (50 beds), Justice Abad Santos Medical Center (150 beds), Ospital ng Sampaloc (50 beds), Sta. Ana Hospital (200 beds), the New Ospital ng Maynila (384-bed capacity with 12 intensive care units and 30 private rooms). Ang pang-pito ay ang Manila Covid-19 Field Hospital na mayroong 344-bed capacity.
Ang mga asymptomatic naman o mga indibidwal na nakakaranas na may “very mild” na sintomas ay hihilinging i-isolate na lamang ang mga sarili sa kanilang mga tahanan.
Para naman sa mga indibidwal na walang lugar kung saan maaaring mag-isolate, dadalhin ang mga ito sa iba’t-ibang quarantine facilities ng lungsod, kabilang na ang bagong gawang quarantine facility sa Araullo High School sa Taft Avenue corner United Nations Avenue.
Ayon sa alkalde, ang layunin ng pagpapatupad sa patakarang ito ay upang magamit ng maayos ang kanilang “resources” sa gitna ng inaasahang pagdami pa ng mga kaso ng Covid-19.
“Kasi po pag bubuhos ng bubuhos ang pagtanggap ng Covid-19 patients na mild but healthy pesons, ay mauubusan po tayo ng espasyo at resources para sa ibang mga sakit. Ito po ay magdudulot ng pagkasawi ng ating mga kababayan na hindi naman Covid-19. They need also ample care o proper care,” salaysay ni Moreno.
Ang mga pahayag ni Moreno ay pinalakas ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpakita na ang mga pagkamatay dahil sa COVID-19 virus ay umabot lamang sa 5.7 porsyento ng kabuuang pagkamatay na naitala sa buong bansa mula Enero hanggang Hunyo 2021, na ginawa itong ikalima sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa panahong iyon, sa likod ng ischaemic heart disease (18.7%); mga sakit sa cerebrovascular (10.2%); Mga neoplasms o “kanser” (9.0%); at diabetes mellitus (6.5%).
Dagdag ni Moreno, maaaring makaranas ng pagbagal sa paglabas ng mga result ng RT-PCR dahil marami ring mga frontliners ang tinamaan ng mas nakakahawang Omicron variant.
Siniguro rin ni Moreno sa publiko na sapat pa ang “resources” ng lungsod ng Maynila.
Muli ring sinabi ni Moreno na hindi lamang para sa mga residente ng Maynila ang kanila anti-Covid drugs kundi para ito sa lahat.
“When I say anybody, any human being. Open policy ang Maynila mabuhay lang ang tao – sa gamot, sa bakuna, sa swab test, libre po lahat hangga’t kaya natin. Yayakapin natin ang kaya nating yakapin lalo ng yung mga walang pera, yung mga mahihirap nating mga kababayan, yung mga walang pambili ng gamot to sustain yung good health nila,” ani Moreno.
“Basta umasa kayo na may gobyerno sa Maynila. Hindi namin kayo iiwan. Andito po kami. Mag-iingat po kayo lahat,” dagdag pa niya.
Sa gitna ng Omicron variant surge na dinaranas ng bansa, partikular na sa National Capital Region, pinalawig rin ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang filing of business permits hanggang sa ika-31 ng Marso bilang pagsuporta sa business sector ng lungsod.
“As a matter of support ng City Government of Manila sa ating mga negosyante, gumaan man lamang yung pakiramdam nila, at makapatuloy silang makapag-negosyo sa Lungsod at patuloy na makapagbigay ng trabaho sa mga kababayan natin sa Lungsod, we asked the City Council, and thanks to our Vice Mayor Honey Lacuna and Majority Floor leader Joel Chua, to extend the filing of renewal ng ating business permit,” siabi ni Moreno sa media briefing noong Lunes.
“Under Resolution 289, the deadline for the filing of business permit is now until March 31,” ayon pa kay Moreno.
Sinabi rin ni Moreno na isa ito sa paraan upang ipakita sa mga businessmen ng Maynila na nakikinig at umuunawa ang pamahalaang lungsod.
“Huwag na po kayong mag-alala, marami pong nagre-request na negosyante sa amin dahil natatakot silang magpunta ngayon para mag renew ng kanilang mga business permit. Ayaw naman natin silang i-penalize. So, bilang pang-unawa ng ating Pamahalaang Lungsod, ito po ang pagdinig ng Lungsod ng Maynila sa inyong kahilingan,” ani Moreno.
“Ako naman, bilang pamahalaan, sapat na yung nagbayad sila ng buwis. Yung kagaanan, yun lang ang maibigay natin. Hindi naman tayo after doon sa mga penalty. Ang gusto natin, tuloy ang negosyo nila, makapamuhay sila ng maayos sa pagnenegosyo para patuloy silang makapagbigay ng trabaho sa ating mga taga-lungsod,” dagdag pa niya.
Para mas mapadali ang paghahain ng business permits sa gitna ng COVID-19 surge, sinabi ni Moreno na maaaring mag-file ang mga traders online sa pamamagitan ng http://www.gomanila.com at mag-avail ng online payment systems tulad ng payment system sa mga piling SM outlets, o sa city hall portal.
