By: AJ Lanzaderas Avila

Nagpahayag ng labis na pasasalamat si Sen. Grace Poe matapos maisabatas ang panukalang palitan ang pangalan ng Roosevelt Avenue sa Quezon City bilang Fernando Poe Jr. (FPJ) Avenue. Ayon sa senadora, ito ay isang pagkakataon upang alalahanin ang legasiya na naiwan ng kanyang ama.

“My family and I are grateful and humbled by this legislation. FPJ Avenue gives my father’s works and legacy a sense of place in our nation’s history,” sinabi ni Poe matapos lagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11608 o “An Act renaming Roosevelt Avenue in the Legislative District 1 of Quezon City as Fernando Poe Jr. Avenue”.

Pinasalamatan din ng Senadora ang kanyang kapwa mambabatas sa Senado at House of Representative na nagtulak sa panukalang batas at inilarawan si FPJ bilang isang “cultural icon” at kampeon ng masa.

Maaalalang nag-abstain si Poe sa ginawang pagboto sa Senado sa panukalang batas dahil sa “conflict of interest.”

Ang yumaong National Artist ay ipinagbubunyi dahil sa kanyang pinagbidahang mahigit 300 na pelikula, kabilang ang kanyang sariling obra, sa 46 na taon niya sa industriya. Dahil dito, itinanghal siyang Hari ng Pelikulang Pilipino.

Sa Roosevelt Avenue na nasa 1st legislative district ng Quezon City din nakatayo ang ancestral home ni FPJ.

Ang 2.9-kilometrong daanan ay nasa gitna ng Epifanio De los Santos Avenue patungong hilaga at pa-timog na bahagi ng Quezon Avenue.

Ang batas na ito ay nagmamandato sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglabas ng mga kinakailangang tuntunin, kautusan at mga sirkular para ipatupad ang mga probisyon sa loob ng 60 araw mula sa bisa nito.

“For every Filipino, every ‘probinsyano’ who will pass along this avenue, we hope this serves as a physical reminder that no dream is too big and no goal is ever out of reach,” ani Poe.

“Nawa’y magsilbing ehemplo ng katatagan, pagpupunyagi at pag-asa ang buhay ni FPJ sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Leave a Reply