By Christian Dee
MAYNILA – Epektibo simula sa Martes, Abril 25, ang bagong presyo ng gasoline, kerosene at diesel, base sa magkakahiwalay na anunsyo ng mga kompanya ng langis.
Ito ay matapos ang tatlong linggong sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ang presyo ng gasolina ay bababa ng P1.40 kada litro, ang halaga naman ng kerosene ay P0.20 kada litro ang ibababa, habang ang P0.70 naman kada litro para sa diesel.
Matatandaang sinabi kamakailan ni Department of Energy – Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero sa GMA News Online na base sa apat na araw na monitoring sa international oil market, magkakaroon pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo.
“Based on our four-day monitoring for the international oil market, there will be a rollback on the prices of gasoline and diesel,” ani Romero.
Bagama’t sinabi rin niyang posibleng walang maging adjustment sa presyo ng kerosene, ilang kompanya ng langis ang naglabas ng abiso na kasama ito sa mga bababa sa darating na Martes.
