By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ng opisyal ng pulisya ngayong Miyerkoles, Pebrero 22, na mayroon na itong binabantayang person of interest kaugnay ang pagpaslang sa isang turista sa Makati noong Linggo.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa nangyaring krimen at nakakita na rin ng mga nakasaksi ang mga awtoridad, ayon kay Makati Police chief Col. Edward Cutiyog.
“So far mayroon tayong binabantayan. Continuous pa rin investigation natin and then nakakita tayo mga witness,” ani Cutiyog.
Tuloy-tuloy pa rin ang pag-iimbestiga at paghahanap sa posibleng may gawa ng pagpaslang kay Nicholas Peter Stacey, 34-anyos na New Zealand national.
Matatandaang pinaslang ng mga suspek na nakamotor si Stacey sa pamamagitan ng pamamaril noong madaling araw ng Pebrero 19 sa Filmore Street, Barangay Palanan.
Kasama pa ng biktima ang kanyang nobyang Pilipino nang lumapit ang mga armadong lalaki sa kanila at pinagbabaril ang turista.
Sa isang ulat sinabi ng pulisya na bumaba ang angkas na lalaki at itinutok ang hindi pa nalalamang uri ng baril sa saksi at hinoldap ito, habang ang rider naman ay nag-park ng motor ilang metro lamang ang layo.
Nakialam at sinubukang kunin ng biktima ang armas ng salarin, ngunit ipinaputok ng suspek ang baril at natamaan ang kaliwang bahagi ng dibdib ng biktima, na nagdulot ng kanyang pagkamatay, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office.
Ninakaw din, ayon sa mga awtoridad, ang cellphone at wallet ng nobya ng biktima.
Pangako naman ng hepe ng NCRPO na si Maj. Gen. Jonnel Estomo, ang masusing iimbestigahan ang kaso at ang mabilis na pag-aresto sa mga suspek.
