By Christian Dee
MAYNILA – Isang van ang sumalpok sa isang pampasaherong bus noong Martes ng alas-10 ng gabi, Pebrero 20 sa bahagi ng EDSA Bus Carousel bandang EDSA-Centris sa Quezon City.
Nasugatan at duguan ang tatlong lalaking lulan ng van, wasak ang harapan, at basag ang windshield ng sasakyan dulot ng aksidente, ayon sa TeleRadyo.
Anang MMDA Traffic Enforcer na si Berchman Hidlao, nakahawak at nakauyo ang drayber ng van sa manibela nito at duguan matapos madisgrasya ng sinasakyan nito.
“Nakita ko naipit yung paa niya at bali po yung isang paa,” aniya.
Dagdag pa ni Hidlao, yaong pasahero na nasa tabi ng drayber ay naipit din. Gaya ng sinapit ng nagmaneho ng van, bali rin ang paa ng naturang pasahero, habang ang isa naman na nasa likod, nauntog at duguan aniya ang mukha.
Base sa inisyal na imbestigasyon, bumangga ang van sa naturang bus na ayon naman sa kuwento ng konduktor ng bus ay nakahinto ito dahil nakapila malapit sa may Quezon Avenue station.
Bumangga pa ang bus sa isa pang bus na nasa harapan nito matapos sumalpok ng van.
Wala naman sa mga pasahero ng bus ang nasugatan matapos ang pangyayari.
Tuloy naman ang imbestigasyon ng nangyaring insidente.
