By Christian Dee
MAYNILA – Inirerekomenda ng Department of Agriculture (DA) – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagpapatuloy ng fishing ban, ayon sa pahayag nito ngayong Martes, Marso 21.
Ito ay matapos matagpuan sa mga isda at tubig-dagat sa Oriental Mindoro ang kemikal mula sa langis na kumalat bunsod ng lumubog na motor tanker.
“The DA-BFAR recommends the continuous suspension of fishing activities in the aforementioned areas in Oriental Mindoro for public safety. The Bureau advises [local government units] concerned to heed this science-based recommendation,” pahayag ng BFAR.
Ayon sa BFAR, nakita sa mga sample na isda ang polycyclic aromatic carbons na nagdulot ng kontaminasyon.
“PAH, which is harmful to humans and other living organisms, may accumulate in the flesh of fish over time,” anang nasabing kawanihan sa isang pahayag.
Ang mga sample na isda na nakalap mula Marso 3 hanggang 14, ay galing sa siyam (9) na bayan sa Oriental Mindoro: Naujan, Pola, Pinamalayan, Bansud, Gloria, Roxas, Mansalay, Bongabong, at Bulalacao.
Maging ang tubig-dagat din ay nakitaan ng langis at sebo, ayon sa BFAR.
Isinasagawa rin ang pagsusuri sa munisipalidad ng Caluya, Antique, kung saan nagdeklara na rin ng fishing ban ang lokal na pamahalaan.
Ayon sa Department of Health umabot na sa 191 ang kabuuang bilang ng mga taong nagkasakit dahil sa epekto ng pagkalat ng langis. 101 naman sa mga ito ay nakarekober na.
