Nangako si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na magkakaroon ng isang mabisang anti-drug campaign na walang malalabag na karapatang pantao ang kanyang administrasyon kung sakaling maihahalal bilang pangulo ng bansa.
Nito lang araw ng Martes, ipinresenta ni Mayor Isko sa media ang pitong drug suspects na nahulihan ng mahigit 835 na gramo ng shabu na nagkakahalagang P5.6 million.
Ayon kay Moreno, mahalaga na buhay ang mga drug suspects na nahuhuli ng mga awtoridad para kaharapin ng mga indibidwal ang mga kasong isasampa sa kanila.
Noong Agosto 5, 2019, mahigit 35 na drug suspects ang nadakip ng mga awtoridad sa lungsod ng Maynila sa loob lang ng isang linggo.
“This is just one good news. Another good news, out of the 35 arrested, 35 are alive,” ani Moreno.
Hunyo 21, ngayong taon, ipinresenta ni Mayor Isko ang isang Chinese national na naaresto dahil sa 38 kilos ng shabu na nagkakahalagang P258.4 million, kasabay ng lima pang indibidwal na nahulihan rin ng 8.5 kilos ng shabu na nagkakahalagang P58-million.
Pinuri ni Mayor Isko ang Manila Police District (MPD) dahil sa kanilang matagumpay na operasyon at sa paghuli sa mga suspek na “buhay.”
Mula nang nahalal siya bilang alkalde ng lungsod noong 2019, siniguro ni Moreno na susundin ng mga awtoridad ang ‘due process’ at hindi malalabag ang karapatang pantao ng mga nahuhuli na suspek sa mga drug operations.
Dagdag pa niya, binibigyan nila ng karapatan ang mga nahuhuling suspek na hindi ipakita ang kanilang mukha sa media o sa publiko.
Ani Moreno, ipagpapatuloy niya ang ganitong klase ng anti-drug campaign kung saan nirerespeto ang karapatang pantao kahit ng mga kriminal, “Eliminating drugs is a priority, but it has to be done in recognition still of every individual’s human rights.”
Hindi rin suportado ni Moreno ang Oplan “Tokhang” ng Philippine National Police (PNP) at kailanma’y hindi susuporta sa extra-judicial killings (EJKs).
“There are no EJKs in Manila. Unless the suspects threatened the lives of our policemen, the suspects were properly apprehended and that their human rights were respected in the process of the entire drug operations,” ayon kay Moreno.
“I believe that human rights are fundamental and that every person has the right to defend themselves before the courts,” dagdag pa niya.
(By: Aj Lanzaderas Avila)
