By: Margaret Padilla
Buo ang tiwala ng ilang foreign investors at financial analysts sa kakayahan ni Vice President Leni Robredo na mahusay na pamunuan ang pagbawi ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ito ang naging resulta ng isang survey sa mga foreign investors at analysts na isinagawa ng Bloomberg simula noong Pebrero hanggang unang bahagi ng Marso.
“Ang susunod na pinuno ay dapat na matugunan ang mga pang-ekonomiyang at panlipunang krisis na kinakaharap natin, to put us back on the path to faster growth. How our markets will perform will depend greatly on that,” sabi ni Jonathan Ravelas, chief market strategist sa BDO Unibank Inc. “What we need is a captain who will bring us out of the storm.”
Ayon sa poll, ang dapat tutukan muna ng susunod na gobyerno ay ang pamamahala sa pandemya at pagpapababa ng inflation. Lahat ng respondents nito ay nagpahiwatig rin na ang pagpapalawak ng ekonomiya ng bansa na hindi bababa sa 6% ay inaasahang magpapatuloy sa susunod na anim na taon.
Sa bahaging kung saan kailangang pagsunod sunurin ang limang kandidato sa 5-point scale, at may 5 ang pinakamataas na marka, nakuha ni Robredo ang pinakamataas na puntos na 106 mula sa mga respondents. Sumusunod sa kanya si Lacson na may 91 puntos at Isko Moreno na may 81. Lagapak naman sa huling puwesto sina Marcos at Manny Pacquiao, na may score na 46 at 44, ayon sa kanilang pagkakasunod sunod.
“Marcos, in our opinion, will be regarded as less market-friendly than Robredo,” ang pahayag ng mga ekonomista ng Nomura Holdings Inc., kabilang na si Sonal Varma.
Naniniwala diumano ang mga respondents na may higit na karanasan si Robredo sa national level at sa pagbuo ng isang balangkas para makabangon muli ang Pilipinas mula sa pandemya.
“Kung mananalo [si Marcos], lalo lamang itong magpapalakas sa aming paniniwala na ang ekonomiya (ng Pilipinas) ay patuloy na magiging mahina at hindi magiging maganda sa mga susunod na taon,” paliwanag ni Alex Holmes, isang Asian economist sa Capital Economics Ltd.
Ibinigay ni Holmes na halimbawa ang kaso ni Marcos sa tax evasion at ang mga kakulangan nito nang nagawa noong siya ay senador.
