By Christian Dee
MAYNILA – Idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang 55 na lugar sa bansa sa ilalim ng state of calamity dulot ng bagyong Paeng.
Ilan sa mga naturang apektadong lugar ay mula sa Bicol Region (Region 5), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at SOCCSKSARGEN (Region 12).
Kabilang sa naitalang ulat ng NDRRMC ay ang buong probinsya ng Albay. Inilagay ang naturang probinsya sa ilalim ng state of calamity nitong Sabado, Oktubre 29.
Samantala, ang bayan ng Pigcawayan, Cotabato sa SOCCSKSARGEN at ang buong probinsya ng Maguindanao sa BARMM ay isinailalim din sa state of calamity buhat ng bagyo.
Bago ito, inirekomenda naman ng Executive Director ng ahensya na si Raymundo Ferrer kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang deklarasyon ng state of calamity sa bansa.
“The NDRRMC respectfully recommends for the following: declare a national state of calamity due to the effects, damage and projected impacts by Severe Tropical Storm Paeng for a period of one year, unless earlier lifted; and to accept offers of international assistance based on needs,” ani Ferrer.
Sakaling ideklara ito ng pangulo, maaring gamitin ang pondong nakalaan para sa pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng apektado ng kalamidad.