By: Jude Sagun
Ipinasulyap na ng Viva Films nitong Linggo and trailer ng pelikulang ‘Maid in Malacañang.’
Nangyari ang pelikula noong 1986 Edsa People Power Revolution, tatlong araw bago lumipad ang pamilya Marcos sa Hawaii matapos na mapabagsak ng libo-libong mga Pilipino ang brutal at tiwaling diktadura ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Si Ruffa Gutierrez ang gaganap bilang dating first lady, Imelda Marcos, habang si Cesar Montano naman ang gaganap sa papel ng dating pangulo.
Gagampanan ni Cristine Reyes si Senadora Imee Marcos, si Ella Cruz bilang si Irene Marcos, ang bunso sa magkakapatid, habang si Diego Loyzaga naman ang gaganap bilang binatang Bongbong Marcos.
Magsasama-sama naman sina Karla Estrada, Elizabeth Oropesa, at Beverly Salviejo, bilang mga katulong ng pamilya Marcos.
Samantala, ipinakita rin ang komedyanteng si Giesel Sanchez, na tila ginagampanan nito si yumaong Pangulong Cory Aquino. Nakita ang kanyang karakter na may kausap sa telepono at pinag-uutos na paalisin ang pamilya Marcos sa Pilipinas.
Sa trailer, ipinakita ang pagiging istriktong ama ng yumaong diktador sa anak na si Bongbong, makikitang kwinestyun nito ang kaalaman ng anak sa katapatan gayong palagi itong nasa club.
Ibinunyag din sa video na hinimok ni Imee ang kanyang mga magulang na lisanin na lamang ang bansa dahil sa tumitinding kaguluhan sa palasyo.
Sa huling bahagi ng trailer, ipinakita si BBM na katabi ang naghihinagpis na ina, at nangakong makakabalik rin sila Malacañang. Nitong buwan lang, bumalik ang kanilang pamilya sa Malacañang matapos mahalal si Bongbong bilang ika-17 pangulo ng bansa.
Tampok sa pelikula ang bagong rendition ng kanta ng SAMPAGUITA na ‘Nosi balasi’, ang awiting tungkol sa ‘di pagpansin sa mga salitang paninira ng ibang tao.
Nitong Linggo rin, opisyal ng sinimulan ng Viva Films ang promosyon ng bagong pelikula sa Manila Hotel. Dinaluhan ito ng mga aktor, crew, production, at creative staff ng Viva Films.
Dumalo rin sa event si Senator Imee Marcos, kung saan muli niyang iginiit na totoong kwento ang ipapakita nila sa “Maid in Malacanang.”
“The problem with this story is we all know it ended and what happened 36 years down the line. Alam natin lahat so there’s no leeway for falsehood, untruth, reimagining, or fantasy telling. Kailangan makatotohanan,” saad ng senador.
Nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ang Maid in Malacañang sa Agosto 3.