By: Margaret Padilla
Ipinahayag ni Richard Gomez, ang bagong halal na Leyte 4th District Representative, na nais niyang isulong ang panukalang batas na magbabalik ng parusang kamatayan o death penalty upang makatulong na patatagin ang kampanya laban sa droga sa bansa kahit tapos na ang administrasyong Duterte.
“Maghahain na ako ng panukalang batas sa Kongreso para palakasin ang anti-drug campaign program (at) para talagang ipatupad ang death penalty sa drug trafficking lalo na sa mga dayuhan na nagdadala ng droga sa bansa,” aniya sa isang panayam ng CNN Philippines’ The Source’ ngayong Lunes.
Ipinahayag din ng dating alkalde ng Ormoc City na dapat maging lubhang epektibo ang kampanya laban sa droga. Iminungkahi rin niya na kung seryoso ang gobyerno sa pagtugon sa problema sa droga, dapat mas mabigat ang parusa.
Iginiit ni Gomez ang paniniwala na nasa pananagutan ng local government unit na mapagtagumpayan ang giyera laban sa problema sa droga.
Kung papayagan ng alkalde na makapasok ang droga sa lugar, mangyayari ito, ngunit kung utos ng alkalde na bantayan itong mabuti at mahigpit na nililimitahan ng mga pulis ang pagpasok nito, mabisang malalabanan ito ng mga awtoridad, paliwanag niya.
Gayunpaman, hindi tiyak kung ang panukalang batas ni Gomez ay magtatarget ng mataas na antas ng pagtutulak ng droga o lahat ng antas ng kalakalan. Sinabi niya na ito ay depende sa kung ano ang itinuturing ng Kongreso na mataas na antas, at inamin niya na hindi siya makapagbigay ng isang tiyak na numero sa oras na ito.
“But number one, for me, drug trafficking is a serious crime, it is a serious offense, and the death penalty will really have to be (a) penalty for that.”
Hinimok din niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na ituloy ang drug war, na inilarawan niyang “successful” noong panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Idinagdag pa ng aktor na naging pulitiko na dapat ay mayroon pa ring police monitoring, intelligence work, at pondo ng lokal na pamahalaan ang programa para mapanatili ang mga napatupad na noong nakaraang administrasyon.