QUEZON CITY — Pormal nang inanunsyo ni Sen. Grace Poe ang mga benepisyaryo ng FPJ Panday Bayanihan Iskolar ng Bayan na makakatanggap ng cash assistance sa DSWD.
“I would like to congratulate you for being a part of the FPJ Panday Bayanihan Iskolar ng Bayan,” ani Sen. Grace Poe sa kanyang talumpati na naka-broadcast gamit ng Facebook Live.
Pinili ang mga iskolar mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at sila ay makakatanggap ng P5,000 na tulong pinansyal sa pakikipagtulungan ng FPJ Panday Bayanihan Foundation at ng DSWD.
Sa live video message ng Senador, ibinahagi niya ang dahilan at kung paano nabuo ang programang ito, “Bakit namin sinimulan ang FPJ Panday Bayanihan Iskolar ng Bayan program? Alam mo si FPJ hindi nakapagtapos ng college dahil namatay ang tatay niya noong 12 o 13 taong gulang lamang siya. Kinailangan niyang magtrabaho para suportahan ang pamilya. Alam niya na hindi madali. Kaya, in memory of FPJ, itinatag natin itong scholarship.”
Pinasinayaan din ng anak ng senador at chairman ng FPJ Panday Bayanihan Foundation na si Brian Poe Llamanzares ang aktibidad na ito.
Malaking pasasalamat naman ang ibinahagi ng mga estudyanteng nakatanggap ng cash assistance. Ilan sa kanila ay mga working student na naghihirap sa pagsabay ng pag-aaral at pagtatrabaho o kaya naman ay may mga magulang na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
“Napakahalaga po nito kasi lalo na panahon ng pandemya ay maraming mga bata ang tumigil sa pag-aaral. Grateful po ako dahil may opportunity na ganito na pumasok na matulungan ako na maipagpatuloy at matapos ko ang pag-aaral,” pahayag ng isa sa mga benepisyaryo.
Dagdag pa niya, “Yung father ko nawalan ng work at yung mother ko po OFW pero yung remittances nahinto so I need to make ways para makapagpatuloy ng pag-aaral, naghanap po ako ng alternatibo at nakita ko po sa Facebook ‘yung post ni Sen. Grace Poe.”
Ang FPJ Panday Bayanihan ay inisyatibo ng senador at mga kaibigan at tagasuporta ni FPJ upang tulungan ang mga bulnerableng sektor sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
