Share:

Tinawag na “unprofessional” ni Senadora Grace Poe ang impormal na pamamaraan ng Land Transportation Office (LTO) sa pagpapakalat ng direktiba sa pagsususpinde ng mandatory vehicle inspection ng mga Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) sa pamamagitan ng “viber message” na nagresulta sa pagkalito ng mga motorista sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

“That’s very unprofessional. Ano ba naman ‘yung isang page na ipa-type ninyo, ipa-press release na ninyo kung hindi niyo mapaabot o ma-email sa mga regional directors ninyo,” sinabi ni Poe, at agad ding inutusan ang LTO na maglabas ng memo.

Sa ginanap na Senate finance subcommittee meeting sa budget ng Department of Transportation (DOTr), kinwestyon ni Poe ang prayoridad ng LTO, kung ito ba talaga’y para masiguro ang “roadworthiness” ng mga sasakyan o para lamang pagkakitaan ng mga kontraktor na walang pakialam sa tamang proseso at batas.

“Talagang importante ang roadworthiness. Pero kung ipagpipilitan nila ‘yung PMVIC ngayon, the very least they can do is increase the number of operational PMVICs by opening the bidding and making the process transparent. Hindi ‘yung parang nagulat na lang tayo na may mga may-ari na,” ani Poe.

Kinwestyon din ng Senador ang paraan ng pagpili sa mga PMVICs na hindi dumaan sa tamang proseso na karaniwang kinakailangan ng public-private partnership.

Sa ngayon, mayroong 808 na Private Emission Testing Centers (PETCs) sa bansa, habang tuloy naman ang operasyon ng 72 sa 114 na PMVICs na nabigyan ng “provisional authority to operate.”

Inihalintulad ni Poe ang mga PMVICs sa isang “mall” at ang PETCs sa isang sari-sari store na mas maliit, ngunit nakakatugon sa minimum standards.

“Parang ang nangyayari ngayon, sinasabi na doon lang kayo mamalengke sa malalaking mall. Papaano naman ako na nakatira sa baryo na ang pinakamalapit lang sa akin ay sari-sari store? Papupuntahin niyo ako sa bayan na malayo para lang mamalengke kahit na pwede naman dito,” paliwanag ni Poe.

Hiniling ni Poe kay DOTr Sec. Arthur Tugade na mangialam sa isyu at kalauna’y umamin din ang kalihim na may kakulangan sa loob ng ahensya at sumangayon din sa sinabi ng senadora na hindi “mandatory” ang PMVICs at may karapatan ang mga motorista na mamili.

(By: Aj Lanzaderas Avila)

Leave a Reply