By Christian Dee

MAYNILA – Base Pulse Asia sarbey na kinomisyon ni Senator Win Gatchalian, lumabas na 88 porsyento ng mga mag-aaral mula sa una hanggang ikatlong baitang ang pabor sa wikang Filipino bilang wikang ginagamit sa pagtuturo.

Sinundan naman ito ng wikang Ingles na may 71 porsyento, habang 38% lamang sa mga sumagot sa sarbey ang pabor sa lokal na lenggwahe o dayalekto nito bilang wika sa pagtuturo.

Ang resulta nito ay mula sa mga isinagot ng 1,200 kataong tumugon sa sarbey na isinagawa noong ika-17 hanggang ika-21 ng Setyembre 2022, kung saan tinanong ang kanilang opinyon kung anong wika ang dapat gamitin sa pagtuturo para sa mga estudyante ng grades 1-3.

Base rin sa naturang sarbey, hindi bababa sa kalahati ng mga tumugon mula sa Visayas at Mindanao ang mas gusto ang kanilang lokal na wika para sa pagtuturo sa mga estudyante mula sa una hanggang ikatlong baitang.

Ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, sa isang pahayag nitong Sabado, 18 porsyento lamang sa National Capital Region (NCR) at 33% sa Luzon ang pabor sa lokal na wika bilang midyum ng pagtuturo.

Lumalabas din sa naturang sarbey na wala pang kalahati ng mga tumugon sa mga klase ng ABC (41 porsyento), D (36 porsyento), at E (48 porsyento) ang mas gusto ang lokal na wika bilang midyum ng pagtuturo para sa mga nag-aaral sa Baitang 1 hanggang 3.

Dagdag pa ng senador, magpapatuloy siya ng masusing at mahigpit na pagsusuri sa pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education, ipinag-uutos ng Enhanced Basic Education Act of 2013, o ng K to 12 Law (Republic Act No. 10533).

Leave a Reply