By Frances Pio
––
Isinailalim ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang Zamboanga City sa “red zone” dahil sa natukoy na mga kaso ng Asian Swine Fever (ASF) sa limang barangay nito.
Inilabas ni BAI Officer-in-Charge Director Dr. Reildrin Morales ang deklarasyon noong Mayo 23, sinabi ng Lokal na Pamahalaan ng Zamboanga sa isang post sa Facebook noong Sabado.
Ayon kay City Veterinarian Dr. Mario Arriola, ang mga apektadong barangay ay Pasonanca, Bunguiao, Mangusu, Curuan at Manicahan.
Aniya, tatlong lugar ang na-contain sa pamamagitan ng depopulation at nabigyan na ng tulong ang mga apektadong swine raisers.
Sinabi ng lokal na pamahalaan na pinaigting nito ang ASF containment measures kasunod ng paglabas ng confirmatory lab test results noong Mayo 12.
Pakikilusin din ang Barangay Health Emergency Response Team at mga task group para tumugon.
Umapela ang pamahalaang lungsod sa mga residente na bumili ng karne ng baboy at mga by-product nito mula sa mga awtorisadong stalls o seksyon sa mga pampubliko o pribadong palengke o meat shops at palaging humingi ng Meat Inspection Certificate na inisyu para sa araw na iyon.
Hiniling din nito sa mga residente na iwasan ang mga pork at pork products mula sa mainland at iba pang lugar na nahawaan ng ASF.
