By Christian Dee
MAYNILA – Isa ang namatay habang ang tatlo naman ay sugatan sa nangyaring pagsabog ng granada sa isang bahay sa Barangay Pembo sa Lungsod ng Makati noong Sabado, Pebrero 11.
Ayon sa Southern Police District, alas-10 pasado ng gabi nang sinadya umanong pasabugin ang granada na nagdulot ng pagkamatay ni John Al Javier habang ang mga kainuman nito ay sugatan.
Dinala pa sa Ospital ng Makati si Javier ngunit idineklara rin itong dead on arrival.
Samantala, nasa kritikal na kondisyon ang isa sa mga kainuman ng nasawi na si Junnie Boy Dizon, 36-anyos na binata at isang housekeeper.
Ilan pa sa mga biktima ay sina Jay Ar Ardeño at Ronnie Rivas Mamayabay, na nagtamo rin ng sugat bagama’t nasa ligtas nang kalagayan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng SPD, nakita ni Miguel Cruz, isa pang nakainuman ng nasawi noong naturang araw, na kinuha ni Javier ang isang granada mula sa isang speaker malapit sa lugar at itinago sa kanyang katawan.
Sinabihan ni Javier si Cruz na tawagin ang tatlo pang biktima at dumating ito.
Habang nag-iihaw ng isda ang saksi, kinausap ng nasawi si Cruz para kumbinsihin na sumama sa pagpapakamatay o may papatayin lang si Javier, dahilan para umuwi ang saksi sa kanyang tahanan.
Nang patungo na sa kanyang bahay si Cruz, sumunod pa si Javier para kumbinsihin pa ulit siyang sumama sa plano nito.
Hindi pumayag ang naturang saksi at pumasok na ng bahay.
Ayon sa puliysa, nang makauwi naman si Javier sa kanyang bahay, nakarinig si Cruz ng malakas na pagsabog.