By Christian Dee

MAYNILA – Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sinusubukan niyang maghanap ng paraan para makapagpaabot din ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Syria.

Ani Marcos sa isang panayam nang makabalik siya sa bansa mula sa Japan, hindi lamang Turkey ang tinamaan ng malakas na pagyanig, ngunit pati rin ang Syria.

“I am trying to find a way kasi hindi lang Turkey ang tinamaan. Syria pati. At alam naman natin ang kalagayan sa Syria, hindi rin maganda,” ani Marcos.

“That is why I am hoping to do something to help them,” dagdag pa ng pangulo.

Sinabi rin ni Marcos na nakatatanggap din siya ng mga ulat mula sa mga ipinadalang rescue team ng pamahalaan para tumulong sa search and rescue operations, relief operations, at medikal na pangangailangan sa Turkey.

Aniya, marami na ring nabigyan ng tulong matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang Kahramanmaras sa Turkey noong nakaraang Lunes, Pebrero 6.

“They set up already a hospital at marami na sila na-rescue. But they will still keep going on,” anang pangulo.

Matatandaan namang sinabi noong Miyerkoles ni Bernardo Rafaelito Alejandro IV, tagapagsalita ng Office of Civil Defense, na ikinokonsidera ng pamahalaan ang pagpapadala ng isa pang response team para tumulong sa mga biktima sa Syria.

Umakyat naman sa mahigit 35,000 katao ang namatay sa pagyanig kung saan kabilang ang dalawang Pilipinong kumpirmadong nasawi.

Leave a Reply