By Frances Pio
––
Muntik madurog ang sampung pasahero ng isang multicab matapos mabangga ng road roller (“pison”) ang kanilang sasakyan sa Barangay Pili, Almeria, Biliran, noong Martes, Hulyo 19.
Tinutunton na ng mga awtoridad ang operator ng construction vehicle na si Pio Diloy, foreman ng E.G. Canabe Construction, mula sa Carigara, Leyte.
Sa nakuhang impormasyon ng Police Regional Office (PRO) 8 headquarters, lumabas na ang road roller ay nagmamadaling bumababa sa pababang kurbada na kalsada sa Sitio Puro, Barangay Pili at biglang tumawid sa kabilang lane at bumangga sa multicab na nauwi sa bangin.
Patungo sa Naval, Biliran ang multicab mula Kawayan, Biliran nang mangyari ang insidente.
Nasagip ang mga pasahero at dinala sa Biliran Provincial Hospital sa Naval.
Ayon sa ulat, si Diloy ay tumakas mula sa pinangyarihan ng insidente.