Share:

By Frances Pio

––

Pinag-iisipan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapauwi sa humigit-kumulang 115 na Pilipino sa Sri Lanka bago matapos ang buwan sa gitna ng krisis sa ekonomiya doon.

Sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega nitong Miyerkules na ang mga Pilipino ay nahihirapan sa Sri Lanka kaya nais ng mga ito na bumalik sa Pilipinas.

“Sa 700 na Pilipino doon, may lampas 100, 115 more or less ngayon, ang nagparinig na na gustong makauwi ng Pilipinas dahil mahirap ang buhay, ‘yung situation,” sinabi ni De Vega.

“Ang gusto namin bago matapos ang July may nakauwi na dapat,” dagdag pa niya.

Sinabi ni De Vega na ibibigay ang pondo para sa mga Pilipinong naghihintay ng repatriation para makabili ng kanilang commercial flight ticket pabalik ng Pilipinas.

Ang paghahanda ng isang sweeper flight para sa repatriation ay magiging mahirap dahil sa sitwasyon sa Sri Lanka, ayon kay de Vega.

“Ang gagawin na lang namin, kukuha kami ng funding para sa commercial na lang kasi may flight pa naman,” ika niya.

Tiniyak ni De Vega sa mga naghihintay ng repatriation na hindi sila magiging displaced workers sa Pilipinas dahil may reintegration program ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“Every time may nire-repatriate na Pilipino, meron silang napupuntahan right away. Minsan, right away galing airport, dinadala sila sa OWWA sa kanilang reintegration program,” ika niya.

Noong Abril, nagdeklara ang Sri Lanka ng state of emergency dahil sa pinakamalalang krisis sa ekonomiya nito.

Isinailalim ng DFA ang Sri Lanka sa Alert Level 2 dahil nagpapatuloy ang problema sa ekonomiya sa mga bansa sa Timog Asya.

Leave a Reply