By Christian Dee
MAYNILA – Ang tatlong pulis na dawit sa pakikibagbarilan sa suspek sa Santa Mesa, Manila ay isinuspende muna ng Manila Police District (MPD).
Matatandaang namatay ang isang kasambahay nitong Lunes sa nasabing lugar matapos makipagbarilan ng amo nitong babae sa kapulisan.
Sinabi ng Manila Police District Director Brig. Gen. Andre Dizon na nais ng suspek na makipaghiwalay sa kasintahan kaya nagpunta ito sa bahay ng kinakasama at nauwi sa pagpaputok ng dala nitong baril.
Rumesponde ang nasabing mga pulis at naghabulan hanggang kanto ng Pureza Avenue at Magsaysay Boulevard. Nagbarilan din ang dalawang panig, dahilan ng pagkasawi ng buhay ng katulong ng suspek.
Ayon sa Public Information Office ng MPD na si Maj. Philipp Ines, bumalik ang suspek sakay ng kaniyang sasakyan nang dalawang beses sa Barangay 570.
“During doon sa paghahabulan nila… pinuputukan sila nitong onboard sa sasakyan. Nagkaroon nitong exchange of fire at ang claim ng mga pulis natin, ang purpose nila ay patigilin itong sasakyan,” ani Ines.
Samantala, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente, mananatili naman suspendido ang tatlong pulis-Maynila.
