By: Jude Sagun

MANILA, Philippines — Nagtapos ang laban ng pambato ng Pilipinas na si Roberta Tamondong sa “Miss Grand International 2022” pageant sa top 20. 

Ikinadismaya ng maraming pinoy fans ang ‘di pagkakasama ni Tamondong sa top 10, kahit nagpakitang gilas naman anya ito sa sportswear round. 

Isa si Miss Universe 2018 Catriona Gray, sa mga naniniwalang karapat dapat pang umabante si Tamondong sa kompetisyon. Ayon sa beauty queen, “Haaay she deserved so much better, performed so well. I’m so proud.”

Kung umusad sa Top 10, mairarampa sana ni Tamondong ang kanyang golden gown na gawa ni Larry Espinosa.

Ginanap ang 10th year anniversary ng pageant sa West Java, Indonesia, kung saan si Miss Grand Brazil, Isabella Menin ang nag-uwi ng korona.

1st Runner-up si Miss Grand Thailand, 2nd Runner-up si Miss Indonesia, 3rd Runner-up si Miss Venezuela at 4th Runner-up si Miss Czech Republic. Lima naman ang kinoronahang 5th Runners-up na sina Miss Mauritius, Miss Puerto Rico, Miss Spain, Miss Colombia at Cambodia. 

Noong nakaraang taon din nang bigong masungkit ng pambato ng Pilipinas na si Samantha Panlilio ang korona matapos na maging ‘unplaced’ sa kompetisyon. 2021 rin, kasagsagan ng COVID-19 Pandemic nang lumaban si Samantha Bernardo sa Miss Grand International 2020 at itinanghal ng first runner up. 

Samantala, usap-usapan ngayon ang paglipat umano ng local franchise ng naturang pageant mula sa Binibining Pilipinas sa Miss World Philippines. 

Leave a Reply