Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) noong Miyerkules, Abril 21, ang pagkamatay ng apat na crew members ng isang cargo vessel na natagpuan sa tabing dagat ng Surigao del Norte matapos ang pamiminsala ng Bagyong Bising.
Sinabi ni PCG spokesman Commander Armand Balilo na ang apat na nasawi ay kabilang sa dalawampung crewmen ng cargo vessel Cebu Great Ocean, kung saan pito sa mga ito ang na-rescue at siyam naman ang nawawala.
Ang pitong na-rescue ay sina Noli Labucay, Roger Polo, Arjie Bacarra, Joejie Villanueva, Felipe Quebuen, John Renzo Guanzon at Junmar Galeos. Apat sa mga ito ang na-admit sa Caraga Regional Hospital, samantalang ang tatlo naman ay na-admit sa Malimono Regional Health Office.
Ayon sa PCG, ang apat na namatay ay sina Norman Galon, Michael Inoc, Jose Sherwin Laniba, at Mark Evan Cuesta.
Sa unang panayam sa mga nakaligtas, nalaman ng PCG na ang cargo vessel LCT Cebu Great Ocean ay naka-angkla sa Jabonga, Agusan del Sur noong nangyari ang aksidente.
Ayon sa Coast Guard, magkakaroon ng imbestigasyon sa mga susunod na araw para makumpirma ang mga nakuhang impormasyon at itutuloy pa din ang paghahanap sa mga nawawala pang crew members.