Share:

By: Margaret Padilla

Idineklara nang “personae non-gratae” ng Quezon City Council ang comedian at TV host na si Ai-Ai Delas Alas at ang direktor na si Darryl Yap.

Inaprubahan ng QC Council noong Hunyo 7, 2022 ang resolusyon na inihain ni District IV Counselor Ivy Lagman na nagdeklara sa kina Delas Alas at Yap na “personae non-gratae” dahil sa paninirang-puri sa opisyal na selyo ng lungsod.

Iminungkahi ni Lagman ang nasabing resolusyon matapos akusahan sina Delas Alas at Yap ng hindi paggalang sa opisyal na selyo ng Quezon City sa dalawang minuto at 21 segundong video na ipinost sa Vincentiments Facebook Page ni Yap.

“The malicious and unscrupulous defacing of the official seal of Quezon City ridiculed and [cast] dishonor to it, causing insult to the noble representation of the seal,” aniya. 

Sa video, gumanap si Delas Alas bilang “Ligaya Delmonte,” isang malinaw na parody ng pangalan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte. Makikita rin sa nasabing video ang opisyal na triangular na selyo ng Quezon City sa background, na may mga visual na elemento na binago at pinalitan.

Ang mga residente ng Quezon City, ayon sa kagawad, ay hindi papayag na lapastanganin ng sinuman ang opisyal na selyo ng lungsod para sa personal o makasariling pakinabang.

Ipinahayag niya na ang Quezon City seal ay ang opisyal na coat of arms ng lungsod mula nang maaprubahan ito ng Office of the President at pinagtibay ng City Council sa pamamagitan ng Resolution No. 10320, S-1975 noong Pebrero 3, 1997.

Ayon kay Lagman, umaasa siyang ang ganitong hakbang ay maging daan upang muling isaalang-alang ng lahat ng content creators ang pag-post ng mga video tulad nito sa social media.

Wala pang komento sina Delas Alas at Yap sa isyu, ngunit muling ipinost ang video sa Facebook page ng huli nitong Martes ng gabi.

Leave a Reply