By Frances Pio
––
Umabot na sa 20,524 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Lunes, matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2,285 bagong kaso ng COVID-19.
Ito ang ikalimang araw ng magkakasunod na nakapagtala ang DOH ng mahigit sa 2,000 kaso kada araw.
Batay sa COVID-19 tracker ng DOH sa website nito, umabot na ang kabuuhang caseload ng bansa sa 3,735,385, na may 3,654,218 na gumaling at 60,641 na namatay.
Ang mga bagong naitala na kaso, gayunpaman, ay bahagyang mas mababa kaysa sa bilang ng mga impeksyon na naitala noong Linggo, na nasa 2,560, ngunit mas mataas pa rin kaysa sa daily average ng mga kaso na naitala mula Hulyo 11 hanggang 17, na nasa 2,091.
Sa kabilang banda, 15,908 na indibidwal lamang ang naitala na sumailalim sa test para sa COVID-19 noong Linggo, Hulyo 17.
Samantala, ipinakita ng COVID-19 tracker na ang Metro Manila ay patuloy na nangunguna sa may pinakamataas na bilang ng mga impeksyon sa bawat rehiyon sa nakalipas na dalawang linggo na may 10,130 kaso — doble ang dami ng kasong naitala sa sumusunod na rehiyon — ang Calabarzon na may 5,707, at Western Visayas na may 2,434.
Batay sa datos, nangunguna ang Quezon City sa listahan ng mga lugar na may pinakamaraming naiulat na kaso nitong nakaraang dalawang linggo na nasa 2,012, na sinundan ng Cavite sa 1,971 at Maynila na may 1,368.