By Christian Dee
MAYNILA – Nang tamaan ng matinding bagyo ang probinsya ng Maguindanao, nagkaroon ng landslide sa isa sa mga tinuturing na tourist spot sa naturang probinsya na Mount Mindanar.
Apat na sanggol ang nawawala at karagdagan pa ay mayroon ding matandang babae ang hindi pa rin nahahanap.
Nanawagan din si Chairman Jaffer Sheen Sinsuat ng Barangay Kusiong, Datu Odin Sinsuat sa probinsya ng Maguindanao del Norte na sakali mang may nawawalang kamag-anak, maari nilang ipagbigay-alam sa kanila nang maaksyunan.
“Baka po may ibang kamag-anak pa po sila na nawawala, pwede po nila i-report sa amin, para po maaksyunan at ma-rescue,” aniya.
Sinabi rin ng kapitan na isa ang Mt. Mindanar sa mga pinakasikat na bundok sa kanilang lugar. Hindi aniya inaasahan ang pagguho nito.
Ayon sa mga residente, unang beses pa lamang ang naganap na landslide sa lugar.
Lumikas naman patungong evacuation areas ang mga residente nito at nakatatanggap ng tulong mula sa mga kalapit na barangay nito.
Samantala, ilan sa mga sugatan ay nananatili sa mga ospital.
Umakyat naman sa 20 ang bilang ng mga binawian ng buhay, dulot ng hagupit ng bagyong Paeng.
