Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Itutuloy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasampa ng kaso laban sa isang punong barangay sa Tondo sa Maynila na nanuntok umano ng isang MMDA metro aide.

“On the part ng MMDA ay ipu-pursue namin ‘yung kaso, both administratively and criminally, para po maturuan ng leksiyon ‘yung mga nananakit ng ating enforcers and clearing teams na ginagampanan lang naman ‘yung kanilang mga trabaho,” ani MMDA chairperson Romando Artes sa isang public briefing.

Nakipagtulungan na aniya ang MMDA sa Department of Interior and Local Government (DILG) para sa mga kasong isasampa laban kay Barangay 51 chairman Rommel Bravo.

Sinabi rin ni Artes na sumuko na rin sa mga awtoridad si Bravo.

Nagsasagawa ng sidewalk clearing operations ang MMDA sa lugar nang mag-init ang tensyon ng dalawa.

Kuwento ni Mark Anthony Medios, MMDA metro aide na sinuntok umano ng punong barangay, inutusan sila na alisin ang vendo carwash dahil sagabal ito sa daan.

Dumating ang may-ari na si Bravo na siya ring kapitan ng barangay at giit nito na sagot niya ang nasabing vendo carwash dahil nasa kanyang lugar. Galit at hinamon niyang memohan siya.

Nang isinasagawa ang operasyon ng MMDA, sinuntok umano ni Bravo si Medios sa tagiliran.

Nabigla si Medios sa pangyayari.

“Kung talaga pong bayolente na ‘yung ating mga kababayan ay nagre-require tayo ng presence ng pulis, para sila ‘yung mag-apprehend or pacify ng mga medyo bayolente na naapektuhan nitong ating clearing operations,” abiso ni Artes.

Leave a Reply