By Christian Dee
MAYNILA – Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nawawala ang isang medical chopper sa Palawan ngayong Miyerkoles, Marso 1.
Ayon sa CAAP, lulan nito ang limang katao, na binubuo ng isang piloto, nars, pasyente, at dalawa pang kasama nito na papunta sana sa isang ospital sa Brooke’s Point.
Naiulat na lumipad mula sa Mangsee Island sa bayan ng Balabac sa Palawan ang naturang sasakyang panghimpapawid bandang alas-7:30 kaninang umaga para ma-pick up ang pasyente ngunit naiulat ding nawawala na ito dakong alas-9 ng umaga.
Nasimulan na rin ang operasyon para sa paghahanap at pagsagip, ayon sa CAAP.
Ito ang ikatlong sasakyang panghimpapawid na nawawala sa bansa simula Enero 2023.
Unang naiulat matapos lumipad noong Enero 24 sa Isabela ang isang Cessna plane, na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.
Sumunod naman dito ay ang Cessna 340 plane na galing sa Bicol International Airport sa Albay, na natagpuan malapit sa bunganga ng Bulkang Mayon. Kalaunan, nakitang patay na ang apat na sakay nito.
