By Christian Dee

MAYNILA – Nitong Huwebes, Marso 2, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na mayroong nakitang lumulutang na debris na posibleng mula sa nawawalang medical air ambulance sa Palawan.

Ayon sa PCG Command Center, natagpuan ito ng crew member ng BRP Malabrigo sa baybayin ng Brooke’s Point at Balabac.

Ang nakitang debris ay mukhang gas tank na mayroong markang “R404A” at “plentafluoroethane.”

Ayon sa PCG District Palawan commander na si Capt. Dennis Rem Labay, napansin ng BRP Malabrigo ang maliliit na piyesa ng debris nang sila ay dumating sa Lumbucan Island nitong Huwebes, bandang alas-5 ng umaga.

“Kung mayroon tayong ganun, so let’s assume na nag-crash talaga yong chopper. Wala pa kaming balita about any survivor. Let’s hope na mayroong survivor doon sa accident,” ani Labay.

Kinukumpirma pa rin ng PCG kung ang natagpuan ay galing sa medical evacuation chopper na naiulat na nawawala nitong Miyerkoles, na may lulan na limang katao, kabilang ang isang piloto, isang nars, isang pasyente, at dalawa pang indibidwal.

Kinilala ang dalawa sa mga sakay ng helicopter bilang sina Daniel Lui (piloto) at Janelle Adler (nars).

Nagpaabot na rin ng tulong ang Philippine Air Force sa ginaganap na search and rescue operation sa naturang sasakyang panghimpapawid.

Kahapon, alas-7:30 ng umaga nang lumipad ang naturang medical chopper na may registry number na N45VX sa Brooke’s Point sa Palawan para i-pick up ang pasyente sa Mangsee Island sa Balabac.

Ito ang ikatlong helicopter na naiulat na nawawala mula noong Enero 2023 sa bansa.

Leave a Reply